“Con este pueblo no cuesta ser un buen pastor.”
“With this people, it is not difficult to be a good shepherd.” — Archbishop Óscar Romero

Hindi ako mapakali mula pa kahapon.
Nabasa ko ang tungkol sa pagharang at muntik nang pagdakip sa mga kasamahang pastor na papunta sa mobilisasyon upang alalahanin ang mga martir at biktima ng Martial Law, at upang hindi malimot ang karumal-dumal na dahas na naganap noong ideklara ito. Pamilyar ang ganitong mga kuwento.
Bago ang anumang pagkilos, bahagi na ng paghahanda ang pag-uusap tungkol sa maaaring mangyari. Paano kung harangin? Paano kung magkaroon ng marahas na dispersal? Paano kung may dakpin? Paano kung bastusin, takutin, o pagbantaan ng mga naka-uniporme? Pinag-uusapan ang mga posibilidad na ito hindi dahil gusto nating mangyari ang mga ito, kundi dahil alam nating may panganib ang pagpiling tumindig.
At gayunpaman, tumutuloy ang hanay.
Madalas kong marinig ang tanong: Bakit kailangang nandoon ang mga pastor? Bakit kailangang sumama ang mga taong simbahan sa mobilisasyon? Hindi ba dapat nasa simbahan sila—nangangaral, nagdarasal, nagmimisa? Bakit makikialam sa mga problemang hindi naman kanila?
Pero sa tingin ko mali ang tanong.
Dahil kailan pa naging hiwalay sa gawain ng simbahan ang pagtatanggol sa karapatan at dignidad ng tao?
Ang pagkatawag ng isang pastor ay hindi lamang pagkatawag sa pulpito. Hindi lamang ito paghawak ng Biblia, pangunguna sa panalangin, o pangangaral tuwing Linggo. Ang pagiging pastor ay pagkatawag na makipamuhay—ang lumapit sa mga tao, makinig sa kanilang mga kuwento, damhin ang kanilang mga sugat, at tumindig kasama nila kapag ang kanilang dignidad at buhay ay niyuyurakan.
Sapagkat ganito rin natin nakilala si Kristo. Hindi isang Kristong nanatiling ligtas at malayo sa paghihirap ng tao, kundi isang Kristong nakipamuhay. Kumain kasama nila. Lumakad kasama nila. Nakinig sa kanila. Humawak sa mga itinuturing na marumi. Lumapit sa mga itinutulak sa laylayan. At hinarap ang mga kapangyarihang nagpapabigat at nagpapahirap sa buhay ng mga tao.
Bahagi ng paghubog sa pagiging pastor ang maunawaan ang pagkatawag na ito hindi lamang sa isip—hindi lamang sa libro o sa loob ng silid-aralan. Kailangang maranasan, isabuhay, at katawanin ang pagkatawag na makipamuhay at tumindig kasama ng sambayanan.
May mga bagay tungkol sa katarungan na hindi lubos na mauunawaan mula sa pulpito. May mga teolohiyang nagiging malinaw lamang kapag nakatayo ka na sa tabi ng mga taong hindi lamang naghihintay ng hustisya, kundi iginigiit ito.
At oo, may panganib.
May panganib ang pagpiling manatili sa tabi ng mga inaapi. May panganib ang pagsasalita kapag mas ligtas ang manahimik. May panganib ang pagtindig kapag mas madaling lumayo. At alam natin mula sa kasaysayan na may mga pastor at taong simbahan na kalayaan, seguridad, at maging sariling buhay ang naging kapalit.
Kaya tumatagos sa akin ang sinabi ni Archbishop Romero:
“Con este pueblo no cuesta ser un buen pastor.”
Hindi dahil madaling maging mabuting pastol.
Kundi dahil kapag nakilala mo ang sambayanan—kapag narinig mo ang kanilang kuwento, nakasalo sa kanilang hapag, nakita ang kanilang mga sugat, nakibahagi sa kanilang pag-asa, at nakipamuhay sa kanila—hindi na mahirap maunawaan kung bakit kailangan mong manatili at tumindig kasama nila. Hindi na mahirap unawain kung bakit mo tinahak ang landas na ito.
Dahil ang mabuting pastol ay hindi nanonood mula sa malayo. Nakikilala niya ang kanyang kawan. Nakikipamuhay siya sa kanila. At kapag may panganib, hindi niya sila iniiwan.
At nagpapatuloy tayo nang may pag-asa, hangga’t nananatili tayong kumakapit at nakikiisa sa katotohanang mapapalaya tayo ng sambayanan—ang sambayanang piniling samahan at tindigan ng Diyos.
Kung nasaan ang sambayanan, naroon ang mabuting pastol.
Kaya naman, sa pag-alala sa mga buhay na nawala, sa mga pamilyang nawalan, sa mga biktima ng torture at iba pang karahasan, at sa mga patuloy na lumalaban para sa kalayaan, katarungan, kapayapaan, at tapat at mabuting pamumuno— isang taas-kamao para sa inyo. ![]()

Leave a comment