Hazel Joyce Domingo Salatan

Maka-Diyos, Maka-masa, Maka-bayan, Makata.

Pakikipamuhay at pagkilos

Ang katawang hinuhubog ng pakikipamuhay ay siya ring katawang tumitindig at nakikibaka.

Matagal ko ring tinanong ang aking sarili: Bakit kailangan ko pang makipamuhay o magsagawa ng immersion sa mga maralitang komunidad, kung ako naman ay may kakayahang kumain nang tatlong beses o higit pa sa isang araw? Akala ko, sapat na iyon para maintindihan ko ang buhay.

Ngunit sa paglipas ng panahon, habang paulit-ulit akong bumabalik sa mga komunidad, mas lalong lumilinaw ang tunay na tanong: Bakit may mga taong may kakayahang kumain nang tatlong beses o higit pa sa isang araw, samantalang marami ang halos ikamatay na sa pagtatrabaho ngunit nananatiling nasa bingit pa rin ng kamatayan?

Hindi ito usapin ng sipag. Hindi ito simpleng pagkakaiba ng pagsisikap. Kung sipag lamang ang batayan, hindi sana nananatiling mahirap ang mga taong araw-araw na nagpapagal para mabuhay.

Hindi lamang ang ating pagtingin sa kahirapan ang kailangang suriin, kundi pati na rin ang paraan kung paano tayo natutong unawain ang mundo.

Ito ang nagsisilbing hamon sa ating pag-unawa sa edukasyon. Madalas, iniisip natin ang pagkatuto bilang isang intelektwal na proseso—nakapaloob sa silid-aralan, sa libro, at sa diskurso.

Ngunit ipinapakita ng pakikipamuhay o immersion na ang ganitong pananaw ay limitado. May mga kaalamang hindi natututuhan sa pamamagitan lamang ng pagbasa o pakikinig. May mga katotohanang kailangang maranasan ng katawan.

Sa pakikipamuhay, ang katawan mismo ang nagiging daluyan ng kaalaman. Ang pagod, gutom, pakikibagay, pakikipanuluyan, at pakikipag-ugnayan sa komunidad ay hindi lamang karanasan—ito ay mismong proseso ng pagkatuto. Dito, ang kaalaman ay hindi lamang iniisip kundi isinasabuhay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan—hindi lamang sa kapwa tao kundi sa buong sangnilikha. Sa ganitong paraan, nababasag ang paghihiwalay ng isip at katawan, at ang pagkatuto ay nagiging isang buhay at relasyonal na karanasan.

Sa ganitong lente, nagbabago ang kahulugan ng edukasyon. Hindi na ito simpleng paglipat ng impormasyon mula sa guro patungo sa mag-aaral—isang paraan ng pagkatuto kung saan tayo sinanay na sumunod, hindi upang magtanong; tumanggap, hindi upang magsuri. Sa halip, ang edukasyon ay nagiging isang praxis—isang pagsasanib ng kritikal na pagninilay at propetikong pagkilos—kung saan ang kaalaman ay hindi ibinibigay kundi nabubuo sa pakikibahagi sa buhay ng komunidad. Hindi ito nananatili sa silid-aralan; lumalabas ito sa lansangan, sa komunidad, at sa mismong karanasan ng pakikibaka. Sa puntong ito, ang pagkatuto ay hindi na lamang tungkol sa pag-unawa sa mundo, kundi tungkol sa pagbabago nito.

Ngunit higit pa rito, ipinapakita rin ng immersion na ang pagkatuto ay hindi neutral. Ang mga komunidad na nagpapatuloy at patuloy na lumalaban ay hindi simpleng “field” ng pag-aaral; sila ay mga espasyo ng tunggalian, kung saan nagtatagpo at nagbabanggaan ang iba’t ibang realidad ng kahirapan, kawalan ng lupa, karahasan ng estado, at iba pang anyo ng hindi pagkakapantay-pantay. Sa ganitong konteksto, ang pagkatuto ay hindi hiwalay sa realidad ng pakikibaka.

Mahalaga ring kilalanin na ang mga komunidad na ito ay hindi mga espasyong basta “pinapasok.” Sila ay mga buhay na pamayanang may sariling kasaysayan, pakikibaka, at kakayahang magpatuloy—sa kabila ng mga pwersang patuloy na pumapasok, kumokontrol, at sumisira sa kanilang tirahan at kabuhayan.

Dito nagiging malinaw: ang katawan na natututo sa immersion ay hindi lamang tumatanggap ng kaalaman. Ito ay unti-unting nagiging sensitibo sa inhustisya, nagiging kritikal sa mga sistemang umiiral, at kalaunan, nagiging handang tumindig.

Kung gayon, ang immersion ay hindi lamang espasyo ng pag-unawa, kundi espasyo ng paghubog. Dito, ang katawan na natututo ay nagiging katawan na kumikilala, kumikibo, at kumikilos. Ang pagkatuto ay hindi nagtatapos sa kamalayan—ito ay isang pagbabagong nagsisimula sa katawan at humahantong sa pakikiisa.

Sapagkat kapag ang pagkatuto ay naging tunay na karanasan, hindi na ito nagtatapos sa kaalaman.

Ito ay nagiging paninindigan—at sa huli, pagkilos.

Art by: Keith Haring, Untitled (People), 1985

Leave a comment