
Ang panalanging ito ay nag-ugat sa Wesleyan Covenant Prayer, isang mahalagang teksto sa tradisyong United Methodist Church na nagsisilbing taunang pagbabagong-tipang espirituwal. Sa pinakapuso nito, ang panalangin ay paanyaya sa ganap na pag-aalay ng buhay sa Diyos—isang pananampalatayang hindi lamang ipinahahayag, kundi isinasabuhay.
Ang bersyong ito ay isang re-imagination ng panalanging iyon, binigkas mula sa lente ng kababaihan at kolektibong pananampalataya. Hindi nito tinatalikuran ang diwa ng Wesleyan covenant, kundi tinatanong kung paano ito maaaring marinig at maisabuhay mula sa mga katawan at karanasang historikal na naisantabi o pinatahimik. Sa halip na indibidwal na pagsuko, binibigyang-diin dito ang sabay-sabay na paninindigan at ang pananampalatayang may malinaw na panlipunang implikasyon.
Mula sa “ako” patungong “kami,” at mula sa wika ng pag-aari patungo sa wika ng pakikipaglakbay at pakikipagtipan, inilalagay ng panalanging ito ang tipan sa konteksto ng relasyon, ahensya, at pananagutan. Ang tipan ay hindi lamang ipinapahayag sa harap ng Diyos, kundi isinasabuhay sa lupa—sa katawan, at sa iba’t-ibang komunidad.
Ibinabahagi ko ito hindi bilang kapalit ng orihinal na panalangin, kundi bilang isang paanyaya: na patuloy nating pag-isipan kung paano nananatiling tapat ang ating mga panalangin sa Diyos habang nagiging tapat din sa mga hamon ng kasalukuyang mundo.
—
Hindi na kami pag-aari.
Hindi ng takot sa kritisismo.
Hindi ng katahimikang ipinataw sa aming mga katawan,
hindi ng mga boses na pinahiram lang
para manatiling sunod-sunuran.
Hindi kami pag-aari ng simbahan, ng estado,
o ng mga doktrinang ginawang bakod
sa aming mga katawan.
Pinipili naming makipaglakbay sa Iyo—
hindi bilang alipin,
kundi bilang buo.
Pinipili naming bawiin ang aming sarili
at ialay ito nang kusang-loob,
sa pagmamahal at paglilingkod.
Ilagay Mo kami kung saan may bitak at apoy,
kung saan ang pagiging babae
ay araw-araw na pakikipaglaban para mabuhay,
kung saan ang pag-iral
ay isang lantad na paninindigan.
Isugo Mo kami sa gawa—
sa pag-aalaga at paglikha,
at maging sa pagwasak ng mga sistemang marahas
na tinawag at tinatangkilik nilang banal.
At kung tatawagin nila itong pagdurusa,
ipaalala Mo sa amin:
ang sugat ay hindi kababaan
kapag ito’y bunga ng pagtutol at paglaban.
Hayaan Mo itong maging binhi— yumayabong at dumarami,
hindi tanikala
na nagtutulak sa pagsuko.
Iangat Mo kami—
hindi bilang tinatangi,
kundi bilang patunay
na mali ang mundong pumipili lang ng iilan
at iniiwan ang marami.
Ibaba Mo kami—
kung ang taas ay nangangahulugang
katahimikang kasabwat ng karahasan.
Hayaan Mo kaming mapuno—
ng galit na may pangalan,
ng tapang na hindi humihingi ng paumanhin,
ng pag-ibig na ganap at lumalaban.
At hayaan Mo kaming mawalan—
ng hiya na hindi namin kasalanan,
ng takot na itinuro sa amin bilang kabanalan.
Isinusuko namin sa Iyo
hindi ang aming lakas,
kundi ang mga tanikalang
itinawag na pananampalataya.
O Ina ng Buhay, Anak,
at Espiritung humihinga sa paglaban:
Kami ay kasama Mo, hindi sa ilalim ng kapangyarihan,
kundi sa gitna ng paglaya.
At ang tipang binibigkas ng aming buhay
ay hindi hihintay ng langit.
Ito’y isinasabuhay sa lupa,
sa katawan, at sa ibayo
ng mga hangganan ng kapangyarihan.
Kung may pagsasabuhay,
ito’y hustisya.
Kung may saksi,
ito’y ang mga pinalaya.
At ang pagsisimula ng kolektibong pagkilos.
Siya Nawa.

Leave a comment