(Repleksyon sa katatapos na eleksyon)

Sa nakalipas na eleksyon, masigasig ang ating pagtatangkang magpamulat sa tunay na kalagayan ng lipunan sa maraming paraan, kabilang na ang edukasyon. Sa lente ng akademya, sinikap nang marami ang magbahagi ng uri at kalidad ng gobyerno na angkop at nararapat para sa sambayanang Pilipino. Tayo ay bahagyang nagdiwang sapagkat marami ang namulat, nakinig, at kumilos upang kahit paunti-unti ay makapagluklok tayo ng mga lider na tunay na naglalayong makapaglingkod sa bayan. Ngunit sa kabilang dulo ng pisi ng ating pagsusumikap, tila naging kapos pa din. Hindi dahil kapos ang ating kasanayan sa larangan ng pulitika – ngunit dahil pinili nating makipagsapalaran sa ngalan ng katotohanan, kapayapaan, at katarungan sa madungis na kalakaran.
Isang desisyong hindi nagtatapos sa halalan. Ang mga indibidwal na kumatawan sa masang api ay may pagkilala na ang bawat boto ay higit sa numero – sumasalamin ito sa mga kwento ng mga buhay ng mamamayang Pilipino.
At isa sa maraming kwento ay ang kwento ng mga mamamayang Pilipinong kumakalam ang sikmura – ang isang tiyak na sagot kung bakit napapanatili ng mga nasa poder ang tradisyunal na mukha ng pulitika.
Pinaniniwala tayong ang sagot sa kagutuman ay ang yaman nilang kinakamkam at pinagkakait sa atin.
Pinakakagat tayo sa kakarampot na pain at sinisingil nang sandamakmak na buwis.
Pinahihirapan tayo sa kalagayang nilikha ng pag-angkin nang higit sa sapat at pagkaganid sa kalabisan.
Sa hindi maitatagong katotohanan, marami ang mga sikmurang kumakalam sapagkat may bahid ng dugo ang hapag. Nagsusumigaw ang bawat patak ng dugo nang hustisya sa bawat pamilyang sana’y hindi gutom. Kapalit ng maghapong pagtatanim sa bukid ay ang mga dugo ng mga kinitil na mga magsasaka. At sa bawat pagtakbo ng oras, humihigpit ang pag-abang sa mga tarangkahan ng mga sunod-sunurang inilalagay ang batas sa kanilang sariling mga kamay. Pagkatapos ay nililinis upang maitago ang karahasan – nagbabalatkayo at naghuhugas ng kamay.
Ngunit – hindi na kailanman mabubura ang bahid ng dugo sa hapag. Nagsusumigaw at bumabalikwas!
Patuloy tayong magsusumikap na kasangkapin ang edukasyon sa pagmumulat sapagkat magbubunga lamang at lubos na mauunawaan ang tunay na kalagayan ng lipunan nang kanyang sariling mamamayan kung hindi kumakalam ang mga sikmura nito. Ngunit kung wala ang mga magsasaka, kung hahayaan natin silang dahasin, ipitin, at patayin – magugutom ang bansa.
Ang lipunang hindi gutom, sapat ang kahandaan upang mag-aral, matuto, at mamulat.

Leave a comment